PASASALAMAT

February 13th, 2016 | by Balaod Mindanaw

pasasalamat

11 Agosto 2011, BALAOD… ISANG DEKADA NA! —  Napakahalagang araw sa lahat ng mga taong nagmamahal, nagmamalasakit at naniniwala sa BALAOD Mindanaw. Parang kailan lang naaalala ko pa, limang taon na ang nakalipas noong una akong pumasok sa institusyong ito, at ngayon ay bahagi ako sa sampung taong saya, lungkot, kabiguan, tagumpay, pagpupulong, sakit, isang milyong biyahe, paglisan ng mga kasamahan, diskusyon, kawalan, kasaganahan, at kung anu-ano pang dagok at saya na nagpapatibay at humubog kung bakit hanggang ngayon ay nakatayo pa rin at humantong sa sampung taon!

 

Hinding-hindi ko malilimutan ang araw ng selebrasyon ng sampung taon ng BALAOD Mindanaw.  Sa bawat mukha ng mga taong nandoon nakita ko ang ngiti at  saya, galak at pagmamalaki.

 

Bago paman ang eksaktong araw na iyon, puspusan din ang aming paghahanda. Madami ding pagpupulong at meeting-meeting kung ano ang mukha ng importanteng araw na ito sa aming buhay, basta ang unang napagkasunduan lang — gawin itong simple.  Kasama ang paghahalungkat ng mg lumang larawan, pag-isa-isa sa mga dating nakatrabaho, indibidwal man o samahan, akmang tema ng anibersaryo, invitation letter at kung anu-ano pa.

 

Matapos ang ilang debate, nabuo ang itsura at porma ng buong mangyayari.  “Celebrating 10 years of BALAOD Mindanaw: 10 victories in 10 years in 2010” ang napagkasunduang tema.

 

Magkakaroon ng espesyal na Kudlit issue kung saan ang bawat artikulo ay susulatin ng mga taong naging bahagi sa paglalakbay ng BALAOD.  May sampung kwento kung saan nakilala at gumuhit sa kasaysayan ng pagpapalaya ng sambayanan.

 

Sa araw ng selebrasyon, may pagpupulong upang makuha ang kahalagahan ng BALAOD sa darating pang mga taon. At ang pinakaimportante sa lahat, may munting salu-salo, sayawan at kantahan.  Ang resulta? — Simple lang pero rock!  Ang araw na ito ay tapos puso ihahandog sa lahat ng nakasama, kasama at makakasamag NGOs, POs, LGUs, BOTs,  simbahan, unibersidad, paaralan, interns at iba pa.  Naniniwala ang BALAOD na kung wala sila, marahil ay hindi ganun kasaya ang naging paglalakbay ng BALAOD.

 

Matagumpay ang selebrasyon ng sampung taon ng BALAOD Mindanaw!

 

Dahil dito, nais kong pasalamatan ng personal ang lahat ng tao at samahan na gumabay sa BALAOD…

 

Sa mga dating kawani (hindi ko na kayo isa-isahin pa, alam nyo na kung sino kayo), lalo sa mga indibidwal na patuloy na nakakasama ng BALAOD sa pagpapalaya ng bayan.  Sa panahon ng problema, kahinaan at kawalan ng pondo, hindi ninyo iniwan bagkus lalong sinamahan ang BALAOD sa pakikibaka, ito lang ang masasabi ko sa inyo, Walang Hanggang Pasasalamat! Kalimitang nasa likod lang at hindi kilala ngunit hindi alam ng karamihan kung gaano kalaki ang kanilang bahagi sa patuloy na paglalakbay ng BALAOD.  Kasama silang humubog at nagpatibay sa prinsipyo na naging gabay ng BALAOD sa patuloy niyang paglalakbay.  Inaamin namin, lahat ng kawani ng BALAOD ay may kahinaan din sa kanya-kanyang aspeto, pero walang duda MAGAGALING!

 

HOT (HAPPY, OPEN, on Time), ito ang naging gabay ng BALAOD staff sa aming araw araw na pagsasama.  Minsan (o kadalasan) ay hindi ito naisasakatuparan ngunit patuloy namin itong pinaaalala sa isa’t-isa.  Sa patuloy na pangungulit, at least laging may paalala na maging happy, open at on time.

 

Taong 2008 at 2009, hinding-hindi ito malilimutan ng lahat ng kawani ng BALAOD. Dalawang taong muling sinubukan ang paninindigan at katatagan ng BALAOD at ng lahat na bumubuo nito.  Taas noo naming sasabihin na sama-samang namin itong hinarap at napagtagumpayan!

 

Sa mga kasalukuyang kawani, paumanhin at ipakikilala ko kayo isa’t isa.  Marami ay sa pangalan lang kayo kilala ng mga tao at nais kong i-tsismis kung sino talaga kayo, ang mga taong kasama ko araw-araw at patuloy kong pinaghuhugutan ng lakas at minsan ay kinaiinisan (minsan lang naman).

 

Si Normie…  Nakapakulit, lahat ng gagawin ay nakaplano, organisado at ayaw nya nglate.  Palaging on time  at patay ka kung late ka.

 

Si Frank…  Siya lang naman ang modelong Paralegal. Ayaw din niya ng late kahit minsan siya ang late.  Maging sa tanghalian, dapat on time lalo na kung may meeting.  Asahang lahat ng trabahong ibibigay sa kanya ay gagawin nya.

 

Si JunG…  Tahimik lang yan.  Minsan lang yan mag sasalita pero pag nagsalita, kailangan mong machining dahil madami kang matututunan.  Dahil tahimik, kailangang ikaw ang unang makipag usap sa kanya.  Arranged dapat ang lahat dahil ayaw niya ng gulo.  Ang hindi ko lang lubos maisip, paanong hindi siya napapagod sa patuloy na pagbiyahe.  Hindi ko alam, matanda na pero laging nasa biyahe.  Ewan ko sa kanya, basta siya ang taong walang kapaguran huwag mo lang pakainin ng manok dahil sasakit ang artritis niya.

 

Si LH… nasa isang sulok lang yan, akala mo walang ginagawa dahil sa diversion niya ang paglalaro ng counter strike pero maaasahan sa LAHAT ng bagay.  Tahimik lang din, at sa sobrang katahimikan, minsa’y nakaiinis dahil minsan, kahit may magandang ideya, hindi pa rin magsasalita. Pero asahang magssasalita at laging may opinyon kung kailangan.  Isang BALAOD days, natatandaan ko, nasa hot seat si Mally noon, tingin ng tingin si Mally kay LH para magpasaklolo pero itong si LH wala lang…hehe, siguro ito ang paraan nya para matuto ka at makapag-isip. Siya lang naman sa BALAOD ang magaling magbigay ng National Situationer.  Hindi man nya alam, pero bilib ako (at madami sa amin) sa kanya.

 

Si Janjan…  Ahhh walang duda magaling magsulat at magaling na abogado.  Siya din sa BALAOD ang madaming “wow mali”, (itanong n’yo na lang sa ibang staff kung anu-ano ang mga iyon.  Hindi yan nagpapatangay sa pressure, gulung-gulo na ang buong opisina pero siya parang wala lang – na palagi kong kinaiinis. Huwag mong iasa kay Jan2x ang maliliit na bagay, sigurado ako hindi niya yun matatandaan. Naitanong ko nga sa kanya minsan kung bakit naging abogado siya.  Ang problema, yun din ang tanong niya sa sarili niya, hahhaha.

 

Si Mally…  Ang pasimuno ng “meeting meeting”, sa palagay ko hindi siya malilimutan dahil dito.  Siya lang naman ang dahilan kung bakit napagalitan ako sa unang lingo ko sa BALAOD. Magaling kumanta.  Natuwa nga ako nung ginawa siyang Project Coordinator sa Lanao.  Dito nasubukan ang kanyang kakayahan, independence at pagiging malikhain.  Sa pagpadaloy ng proyektong ito, nakita kong nagsumikap sya at lalong nahasa sa tulong at gabay ng iba pang kasamahan.

 

Si Ritz Lee…  Napakaorganisado din.  Maasahan dahil ano man ang iatang sa kanya, sa anumang bagay at paraan, maisasakatuparan.  Prangka – sasabihin nya kung anong ayaw at kinaiinisan nya sayo.

 

Si Buboy…  Ang pinakabatang (pinakabago) staff sa BALAOD na agad nasabak sa  iba’t-ibang kaso.  Magaling mag-sulat at palaging on time.  Kung gusto mong kumunsulta sa negosyo, lapit ka kay Buboy.

 

Lahat sila mababait, pero pag tinopak, ahh alam nyo na kung ano ang mangyayari….hehehe.   Sa simpleng kuwento ito, sana ay mas nakilala ninyo ang mga taong nasa likod ng tagumpay ng BALAOD.

 

At sa huli, sana makasama pa rin namin kayo sa susunod na sampung taong iyakan, inuman, ngitian, saya, tagumpay, meeting-meeting, diskusyon, biyahe, lungkot at pakikibaka.  Hanggang sa muli kasama!